Saturday, November 22, 2008

PAGBABALIK

Itim ang apoy ng binuhay kong kandila. Isang pangangailangan ang liwanag dahil bulag ang langit at pumalya ang poste ng Meralco nang gabing iyon. Nakapagtataka pero ito’y aking binalewala.
Binuksan ko ang bintana sa aking silid upang makapasok ang hayahay. Maalinsangan ang naputikang hangin, kaya nagpasya akong isara na lang ang durungawan ngunit. . . isang kisapmata ang pagpasok nitong uwak. Ito’y tumalungko sa ulunan ng aking katre. Hinihigop ang mga pandama ko ng mata niyang duhat. Bumuhos ang ulan habang umiiyak niyang inawit ang Lupang Hinirang.
Dagsa’t bigla ang mga luhang lumaya sa aking mata. Nakahulagpos ako sa bato-balaning titig ng itim na ibon nang makita ko sa mata niyang itim na itim at lumiliyab ang aking mga luha.
Nasusunog na pala ako, ako’y isa nang apoy! Naapuhap ko ang aking tinig, ginulantang ko ang piping gabi. Kumpol-kumpol ang pagpanhik ng pangitain; tila walang katapusang karimlan, dilim at itim! Mahapdi nang aking tustadong kalamnan ngunit bigla na namang naglaho ang aking boses. . .
May lumagabog. May humahagulhol sa tabi ko. “Nay, kayo pala. Bakit po? Ngunit bago niya nasagot ang ang aking katanunga’y may naramdaman akong kirot. Kinalinga ng palad ni ina ang aking ulo habang ako’y nagulat, nagisip sa nagkalat na dugo sa sahig.

No comments: