Thursday, November 20, 2008

Paninibughong Bulawan

At dumampi ang selos sa isang kapwa makata,
Nabighani at natulala na lang ang dila
sa kanyang mga larawang itinarak sa aking puso,
Pagbubutihin ko ang pagsagwan sa alon ng mga salita,
Upang maabot ko ang pampang ng himbing
Sa maalon na mga gabi.

Nakita ko ang kuryente ng pagpupursige sa kanya,
Siyang pluma na walang kamatayang tinta,
Ang oras ginawang kaibigan upang mapuno ito ng pagmamahal,
Pagmamahal sa paglikha
Dahil ang ulan at ang mga sapot ng gagamba
Ay pagkakanulo sa kanya ng isip at puso
Na itong mundo ang tahanan natin
At dapat sulatin ang pag-ibig na nakikita ng ating kataratang mata.

Makata,
Kung may puting pagsisinungaling,
Mayruon din sigurong ginintuang pagseselos,
Oo, nahagip ako ng iyong mayamang hangin
Upang basahin ang iyong mga likha,
Tinuruan ako nitong magsulat hindi upang makipagtagisan sa iyo ng galing,
Ngunit upang makipagtulungan na buhayin ang pag-ibig,
Pag-ibig na marahil kinain na ng pintuho ng ‘di mabilang na gabi.

Anong sarap na magtarak ng mga salita,
Habang iniisip ang iyong mga likha,
Na bulaklak sa aking natutuyong hardin,
Ng sumibol ang mga unang punla,
Inalaagaan ko itong walang humpay,
Ang samyo nito ay ang lakas ng bisig
Upang patuloy akong sumagwan
Upang matapos ang gawain ngayon,
Bukas patuloy pa rin tayo, mananaginip,
Mangangarap, magseselos kung kailangan
Upang ating matawid ang mga alon
Na pumipigil sa atin na maging malakas.

No comments: