Isang tunay na droga
Sa mga panahong ‘di ako nakasusulat, nalalason ako ng hangin, ng panahon, sumisikip aking dibdib sa pagtingin sa orasan, sa pakikipagtitigan sa mga blangkong espasyo na tumagos sa mga dingding at kisame.
Marami akong ginagawa lalo na’t malapit na akong maging ama, nariyan pa ang mamalengke, magluto, maghugas ng plato, maglinis ng bahay, maglaba at reengkarnasyon ng mga ito. At ang pag-iisip ng bukas na nais ko ng kandaduhan pagkat nais kong ilaan sa dasal ang mga mahahalagang libreng sandali.
Tinititigan ko ang mga libro ko sa bookshelf, hinihimas, sentimental, oo. Baka ang mga kaluluwa ng pluma nina Keroauc, Almario, Steinbeck, maging mabait para pasukin ang diwa ko na madalas tinatangay ng tinatamad na hangin.
Nariyan ang paghawak ko sa pluma ko ‘di ko na mahawakan at maisulat ng mahabang panahon dahil tila matanda na ang aking pulso; madali nang mapagod dahil sa nasanay na akong magtipa sa aking desktop computer. Nakalulungkot oo, dahil sa panahong ‘di na uso ang kuryente, at wala akong typewriter, tila uusad ang mga araw na iisipin ko na lang ang mga kaisipan at hahayaang pumalso ito o maglaho.
Kailangang magsulat ang isang manunulat dahil iniibig niya ang mga salita, bago ang kaisipan. Kailangang magsulat ng isang manunulat dahil sisikip ang dibdib niya pag natanto niyang may mga bituin na pala sa kalangitan at lumalalim ang kanyang mga ngalumata ng ‘di napupuno ang kanyang kwaderno o ang kanyang desktop PC ng mga salita.
Isang kaisipan, talata, tula, o sanaysay swabe na sa isang araw, maaari ding kahit mag speed writing o magsulat ng anumang imahe na mabuo sa malayang isip, dito mababakas mo at mababatid ang daloy at ugat ng iyong puso at isip. Malalaman mo kung gaano kataas o kababa ang iyong moralidad.
Sinulat ko ang sanaysay na ito sa pagbabakasaking may matuklasan pa ako sa aking katauhan, at isang langis sa nabubuong kalawang ng imahinasyon at puso ang pagsusualat. Sa pagusbong ng mga salita sa papel, kumikinis ito at mas nagiging madali ang daloy ng mga pangungusap sa papel o sa computer monitor habang ginagawa mo ang trabaho ng iyong puso.
Napakaraming nating karanasan na maaari nating ikabit sa ibang karanasan, at pwede ding nating ikawing sa mga bagay na walang buhay at mayruon. Napakalungkot kung tatawagin ko ang sarili kong isang manunulat kung sa loob ng isang araw, wala akong maisulat na isang linya man lang. Tulad ng isang taong naghahanap ng kasagutan at kaligayahang ispiritwal, dapat siyang magbasa kahit isang berso sa bibliya, dapat tayo ring mga alipin at umaalipin sa panitik.
Gumawa tayo ng isang rebolusyon laban sa ating katamaran, mamaya sa pagdatal ng iyong malayang oras, kapag nagawa mo na ang mga obligasyon mo sa iyong pamilya at sa iyong sarili, gawin mo na ang obligasyon o mas mainam sigurong tawaging mithi o pita ng iyong puso, at iyan ay ang gumawa ng arkitektura ng mga salita. Maaaring ito’y walang hugis o meron, pero ang tiyak, maglulunoy ang iyong puso sa tuwa, at sa paghiga mo mamayang gabi, tiyak ‘di mo na mahihintay ang umaga upang maibaba ulit sa papel o sa monitor ang iyong mga kaisipan.
Ito kaibigan ang isang tunay na droga.
Sunday, November 16, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment