Napatid ang kanyang tsinelas. Kung bakit naman kasi Linggo pa at kung kelan dadalaw siya kay Delia. Nagtipon na ang mga itim na ulap, ‘di na niya inabutan ang mga nagtitinda ng mga bulaklak sa plaza.
Maagang nagpahinga sa pamamasada ng trisikad si Benjie, umuwi na siya bago mananghalian. Nagpahinga, kumain, naligo.
Saan ka pa pupunta? Tanong ng nagsasampay ng mga labadang ina ng binata na nasa labas na ng giray na tarangkahang kahoy. Pupunta ako kina Delia Inay, tugon ng binata. Ngumiti si aling Delia, kaalinsabay ng pag-init ng araw.
Mga 15 minutong lakad ang layo ng plaza sa bahay nina Benjie, dumukot ang binata sa bulsa at binilang ang kanyang pera. Hindi namalayan ng binata na nagkukumpulan na pala ang mga itim na ulap habang siya’y naglalakad at nang malapit na siya sa tindahan ng kanyang ipangreregalo sa sinisintang dalaga ay dagsa ang buhos ng mga palaso mula sa langit, tumama ito sa kanyang puso… wala siyang nagawa kundi ang maghintay na lang sa isang tindahan na may kalawanging bubungan.
Pinalabo ng tumutulong tubig mula sa bubungan ang kanyang mata, sa malayo nakikita niya sa mga batang nagtatampisaw sa kanal ang kanyang kabataan. Hindi siya nakapagaral pagkat kapos, nabighani rin siya sa saya sa tropa, sa mga kababata kaya ‘di siya nahilig sa libro. Si Delia nakapagaral, sabi niya sa sarili, lalong lumabo ang kanyang paningin.
Wala sa sarili, tinahak na niya ang madulas na kalsada, napatid ang kanyang tsinelas, nadulas siya at napasalampak sa kalye. Buti na lang walang tao, napangiti siya. Wala siyang marinig kundi ang malakas at walang humpay na halik ng ulan sa lupa.
Desperado na ata ako, sabi ni Benjie sa sarili. 8 buwan na niyang nililigawan si Delia, pero ‘di siya makabitaw pagkat binibigyan siya nito ng pag-asa. Kaibigan niyang matalik ang dalaga mula pagkabata pero dahil may kaya ang magulang ng babae kung kaya’t nakapagaral ito ng kolehiyo.
Iaabot ko na lang ang bulaklak kay Delia sa bintana ng kanyang kuwarto, sabi ni Benjie sa sarili.
…wala na ang mga nagtitinda ng bulaklak sa plaza, nanlumo ang binata ng may matanaw siyang nag-iisang matandang babae sa ‘di kalayuan na napapaligiran ng mga bulaklak. Nilapitan niya ito ngunit pagdukot niya sa kanyang bulsa, wala ang kanyang pera. Naalala niya ang kanyang pagkadapa kanina. Dumilim ang kaninang maaliwalas na mukha ng binata, maitim na ulap na mukha na ‘di pansin ng tindera.
Puno ng Santan, Gumamela, at Yellowbelle ang paligid ng plaza, lumapit si Benjie sa mga ito at pinagpipitas. Umaliwalas ang paligid.
Wednesday, December 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment