“isang gabi sa isang kalyeng urban”
Salome
Ang mga baso naghihintay na sila’y mahugasan. Ang mga aso sa bakuran panay ang ikot at balik sa kanilang platong walang laman. Makapal ang hangin sa mukha ni Salome, nakaupo sa isang upuan sa labas ng bahay, kumuha siya ng isang sigarilyo sa bulsa, inikot ikot sa daliri at muling ibinalik.
May kumalampag sa bubungan, napatingala si Salome, tumalon ang isang pusang itim. Nagtahulan ang mga aso, nakataas mga balahibo, kanilang hinabol ang pusa. May dumaang mga tao sa labas ng bahay, napatayo si Salome at pilit na inaninag ang mga mukhang tinatamaan ng mahinang ilaw hatid ng ilaw lansangan.
Tinignan ni Salome ang mga plato, muli niyang kinuha ang isang istik ng yosi sa bulsa, tumayo, ibinalik ang istik ng yosi sa bulsa at pumasok sa pinto, pumasok sa kuwarto. Habang nasa loob ng kuwarto si Salome. Isang lalaki ang tahimik na pumasok sa kanyang bahay, pumasok ito sa palikuran. Sa labas, tahimik ngunit mabilis na nginangata ng mga aso ang mga pira piraso ng piniritong manok. Lumabas ng kuwarto si Salome, nakabihis, dala ang handbag, sinaksak siya ng lalaki bago siya nakalabas ng pinto, kinuha na lalaking pulang kidlat ang mata ang kanyang bag, at mabilis itong lumabas ng tarangkahan, nakasalubong nito ang isang lalaki na kasama ni Salome sa litrato na nakadisplay sa kanyang kuwarto.
Jerome
Sa ‘di kalayuan sa isang tindahan, gumegewang ang kalsada na tila walang katapusan at pare pareho ang itsura ng bahay; pawang malalabo at pare parehas ang pinto. Mabigat ang hangin sa mukha ni Jerome, naglalakad na may isang tsinelas, itinapon niya ang pudpod ng sigarilyo at ibinuga ang usok sa bibig na humalo sa dilim.
May dumaang tricycle, sinigawan si Jerome, ngunit wala siyang narinig. Napagilid siyang muntik ng mahulog sa kanal at patuloy siyang naglakad sa kalsadang lasing. May isang punong mangga, tinaas niya ang kanyang magkabilang kamay at pilit niyang inabot ang manggang hilaw ng mapansin niyang mainit ang talampakan niyang walang saplot, itinaas niya ang talampakan at napansin niya itong dumudugo, napaatras siya at nahulog sa kanal.
Nakatingin kay Jerome ang mga bituin ngunit sila’y malalabo. Pare parehas ang itsura ng mga bahay. May dumaang magbabalot, tila nawala ang hilo ni Jerome at pasigaw nitong tinawag ang magbabalot. Napatingin sa kanya ang magbabalot, nilapitan siya nito at sinuntok. Kinuha ang kanyang pitaka at mabilis na lumayo sa kalsadang ‘di gumagalaw, ‘di umiimik.
Ambeng
Ang kanyang palad na nakatakip sa mata na nakadantay sa magaspang na balat ng punong Kaimito. Pagkabilang ng sampu ay hinanap ni Ambeng ang kanyang mga kalaro, malikot ang hangin sa kanyang buhok at mukha, magkakawangis ang mga puno kapag gabi, binitbit ni Ambeng ang kanyang mga tsinelas at alerto umikot ikot, sinisiguradong walang makaliligtas sa kanyan matang kuwago.
Tumakbo bigla ang kanyang kalarong si Michelle galing sa kanyang likuran, hinablot niya ang damit ng kalarong babae at bumakat ang kanyang mga kuko sa likuran nito. Napahinto sa pagtakbo ang batang babae, lumuhod at nakayuko. Marahang tinawag ni Ambeng ang pangalang Michelle, ngunit tinulak nito ang batang lalaking natumba ng paupo at tulala.
Naglabasan ang kanilang mga iba pang kalaro na nagtatago sa lilim at dilim ng mga puno. Dagli ang pagtayo at pagtakbo ng batang babae sa kanilang bahay sa malapit at mabilis na lumabas ang ina nitong nagtatalak kung anong ginawa ng inosenteng bata sa isa ring inosenteng bata. Lumabas ang ina ni Ambeng na nagtataka at nakipagusap ng mahinahon sa ina ni Michelle ngunit dala marahil na maalinsangang gabi, bingi ito sa mga pakiusap at nanabunot na sinuklian din ng pagtatangol ng nanay ni Ambeng. Nagdagsaan ang mga tao upang manuod at umawat, mas marami ang mga mukhang natutuwa kumpara sa mga mukhang naaawa, kabilang dito si Ambeng na bagama’t nakatayo na ay tulala pa rin, patuloy ang ikot ng malikot na hangin sa kanyang buhok at mukha.
Chris
Sa balkon, umiinom ng lemonada si Chris, habang pinapanuod lang siya ng karelasyong si Mina na ‘di mapigilan ang mapahagikhik sa hilatsa ng mukha ng nakaposturang binata na maasim ang mukha. Kinulang kasi sa asukal ang tinimpla niyang kalamansi para sa minsan lang na makitang minamahal.
Napasilip sa bintana ang ina ni Mina na ‘di rin mapigilang humagikhik dahil sa mukha ng binatang maasim ang mukha na natatawa. Mabilis ang oras at ito’y dumudulas sa pagitan ng dalawang puso na nasa balcon na tinatamaan ng magiting na hangin na kahit natulog na ang mga magulang ng dalaga’y ‘di magawang magpaalam na aalis upang sumabak muli sa digmaan sa ibang bansa.
Ayaw ni Mina na maging sundalo si Chris, kaya lagi niya itong kinukwentuhan ng mga malulungkot na istorya ng mga nabiyuyuda, napakaraming nakaluluhang istorya galing sa daming pelikula na tumatak sa isipan ng dalaga. Ngunit bata pa lang ay pangarap na ito ng binata, pangarap na binhi ng pagiging isang magiting na sundalo ng isa niyang tiyo at ninong.
Magiting ang hangin ng hinawakan ni Chris sa mukha si Mina at masuyo itong hinalikan sa labi. Umaawit ang mga kuliglig. Nakatingin ang isang pusa na nasa ibabaw ng mga damit na labahan sa kanilang mga pusong nagmamhalan. Tumayo na rin sa wakas ai Chris, ang bukang liwayway nasa kanyang mata. Kailangan pa niyang maghanda ng mga gamit para sa kanyang biyahe sa umaga, isang biyahe na pinaniniwalaan niyang mas lalong magpapalapit sa kanilang puso sa oras na matapos ang digmaan sa pagitan ng mga bansa.
Sunday, November 16, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment