"Si Maningning Cruz Miclat na isang kilalang pintor at makata ay tumalon sa ikapitong palapag ng Far eastern University (FEU), Sampaloc, Manila kung saan siya ay nagtuturo. Si Maningning ay tumakas sa kanyang buhay sa murang edad na 28 noong Septyember 29, 2000.
Si Ning (Maningning) ay akin lamang nakilala nang kami'y magtagpo ng librong "Beauty For Ashes, remembering Maningning.
Ang piyesang ito ay kagalakan kong maialay sa kanya:
Bulawang beauty for ashes,
ninakaw mo ang himasmas,
paru-paro'y pinalayas,
haraya'y naging talangkas.
Sabay-sabay na nanangis,
ulingang kumpol na dampog,
hanggang sa luha'y natuyo
sa paglisan nitong tala.
Itim ang bulak sa langit,
‘sang umagang walang idlak.
Ugong ng isang agunyas,
Ang sa puso’y umalatwat.
Sa pagkamatay ng tala,
tumibok ang isang tula.
Pumasok ako sa luha,
at nagtampisaw sa dusa.
Sa talang naging alabok...
tutubo ang pagkasayang
ng tanguyngoy ng mga shi
sa mga palahaw na... hindi!!!
Ning... sadyang hitik sa lupit itong mundo. Kung saan ka man naruruon, sana'y magpinta ka pa at tumula. Sana'y makapiling mo ang Dakilang Lumikha. Siya na ating Ama ang tunay na artista; ang gumawa ng araw, bulaklak, tala, bukang-liwayway, takipsilim na nagsilbing inspirasyon sa mga pintor at makata. Sana'y maalayan mo Siya ng iyong mga likhang-sining. Ito ang tunay na pagmamahal... Ning, naniniwala akong makakamtan mo rin ang dalisay na luningning.
• Idlak- Kislap (Hiligaynon)
• Shi- Poem (Chinese)
Saturday, November 22, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment