Punan mo ako ng ligaya ulan,
Dahil nais kong namnamin ang kalungkutan,
Tila ilang buwan na akong nalulunod sa kaligayahan ng may kasama,
Mga kaibigan at karelasyon na lintang kumapit sa akin,
Sinisipsip ang aking enerhiya,
At pag gabi nanlulumo ako sa patumbalik ng kanilang mga drama,
Ngayong umuulan at wala sila,
May pagkakataon akong lumuha,
Mag-isa sa silid,
May kakayahan ako ngayong pumalahaw,
Walang makaririnig sa akin
Kundi ang mga litrato sa dingding
Ang mga sapot ng gagamba
At mga baso at platong di nahugasan
Pagkatapos ng kasiyahan at paglapag ng nangunguyapit na pagod.
Sige ulan, ang iyong buhos ay luwalhati,
Lunurin mo ang tuwa,
Nais kong maramdaman ang pighati,
Ang pighati ng ligayang mawawala rin naman sila,
Babalik at muling aalis.
Baliw siguro ako,
Baliw sa katotohanang ‘di ako matanggap ngunit naaarok.
Tulad mo aalis ka rin, babalik sila.
Ligaya at tuwa, anong pinagkakaiba?
Sa ngayon nais ko lang ihikbi sa aking mga tapat na dingding at kisame,
Ang nakahulagpos ng damdamin.
Sigurado matututunan ko rin na tanggapin ang mga lumilisan
Pero ngayon nais ko munang magpanggap na di ko alam ang mga bagay na natanto
Kaya’t bumuhos kang walang humpay at sabayan mo ako sa aking pagkalango.
Wednesday, December 10, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment