Naamoy ko ang amoy ng mga bituin
Sa may simbahan ng San Juan
Sa mabagal kong paghakbang sa yutang dilim,
Humalo ito sa walang kapagurang kampayng halimuyak ng mga kalatsuti,
Hinihila nito ang aking labi, sapilitan
Pero tulad lagi nagpapatihulog ako sa maamong bitag.
Ang mga taong naglilimayon sa may kalayuang liwasan,
Malalabo sa gitna ng naghaharing liwanag
Mula sa mga ilaw lansangan.
Ang halakhak ng harutan ng mga magkasing
Sa palibot ng Christ the King,
Matalim ang mga nota,
Wari’y hangin na umaaligid sa paligid ng romansa ng gabi
sa tabi ng simbahan at plaza
pinili kong mag-isa
akong si solamente,
Walang nakakakilala sa akin sa dilim,
Niyakap ako ng hatinggabi,
Na sinuklian ko ng yakap,
Walang makadapo sa aming lamig,
Hanggang isinilang si liwayway,
Aking hinihintay,
Kaalinsabay ng pagdating ni liway
Ang muling pagyao ng kabiguan ng pumusyaw na pagmamahal
Na baka muling dumalaw mamayang gabi
Sa pagsipol ng amoy ng mga bituin
Sa hagdanan ng aking puso.
Sunday, December 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment