Tuesday, December 16, 2008

Pasko Pasko, pasko na namang muli (Nasaan ako?)

Nilakad ko ang kahabaan ng pagbabalik tanaw,
Pagkabalikwas sa alimpungat isang madaling araw,
Dinala ako nito sa isang pasko
Malayong panahon na ang nagdaan


At binuksan ko ang balot sa pinakahuling kahon sa ilalim ng puno ng may mga artipisyal na bituin, makaraan ang ilang linggo atang pananabik.

Sa pagpasok ng Disyembre, tuwing bababa ako ng hagdan kung saan nakatayo ang aming dalawang dekada na ata at may kataasang Christmas tree, namamangha ako sa mga ilaw, lagi. At bababa ang aking mga mata mula sa dambuhalang bituin sa tuktok patungo sa mga regalo sa paanan ng artipisyal na puno na nakabalot sa mga makikinang na papel.

Oktubre pa lang, inuungutan ko na ang aking inay na bilhan ako ng laruang robot, nais ko sana’y si Voltez V. Hindi ko alintanan ang presyo, ang pagkunot noo ni inay na ikinubli ng mapagparaya niyang ngiti. Malapit na raw ang pasko, lahat ng bagay kailangan ng paghihintay.

Kaya’t sa kada tuwina lalo na pag bagong gising at bago matulog, uupo ako sa may hagdan at uubusin ang mga sandali na walang katapusan, makikipagtitigan sa mga liwanag ng puno at pagmamasdan ang mga regalo ni inay sa paanan nito na isang hapon pagkauwi galing sa paglalaro, napansin ko na lang na nakatingin sa akin ang mga kahon na nakabalot sa makintab na papel, inaakit akong nahahalina. Mahina ako mula sapul sa mga ganitong bagay, pinanganak ata akong maikli ang pisi, ngunit nagtiis ang aking dibdib at ang aking mga maliliit na palad na hintayin ang hiyas ng bisperas.

Kung ako’y naglalaro sa labas, kung ako’y kumakain lalo na’t pag nanunuod ng cartoons at nananalo ang mga Armstrong brothers laban sa mga Bozanians, lumalapot ang aking bibig at may panginginig ang aking labi na iisa lang ang kahulugan.

Aanihin ang prutas anumang mangyari, ‘di mapipigilan ang pagpasok ng Pasko, ang pangarap makakamit, makakamit.

Bisperas – pagkatapos kumain ng hamon at keso na pinalaman sa tinapay. Busog akong umupo sa tabi ng dambuhalang punong maningning pero gutom ako, gutom sa pagnanasang makita, mahawakan at buuin ang aking robot, ang aking tagasalba.

Pwede mo nang buksan, sambit ni inay sa wakas, at mabilis ang aking mga munting mga daliri sa pagpunit ng makikinang na mga balot sa isang kaalamang mas makinang pa ang nasa loob.

Nakita ko na rin si Voltez V, at napagtanto kong may iba pa akong regalo galing sa aking mga tita at ninang na nasa malayo. Konting paghinga lang ang pagitan at muli na naman akong lumusong sa kaligayahan sa antisipasyon ng surpresang naghihintay sa iba pang mga kahon.

Mga matchbox at iba pang laruang kotse at may mga imported na tsokolate pa pala na nasa ref ang naghihintay sa aking mga pandama, naramdaman ko ang tuwa.

Lagpas alas dose – nakaupo ako sa tabi ng puno, pinagbabangga ko ang aking mga matchbox, panalo ang nananatiling nakatayo. Medyo busog pa ako. Maliwanag ang Christmas tree pero ‘di ako makatulog, hinahanap ko si mama (na nakikipagusap sa aking tita sa labas ng bahay), mayruon akong nais itanong, mayruon akong ‘di maintindihan.

No comments: